Friday, January 25, 2013

Pelikulang Namumukaw-Kamalayan > Pelikulang Kontrobersyal at Box-Office Hit



Ang isa sa mga patok na pelikulang Pilipino sa panahon ngayon ay tungkol sa pag-iibigan. Makikita natin sa mga bagong pelikula ang tema ng kabit na sinimulan ng No Other Woman ng Star Cinema, na sinundan na ng The Mistress at marami nang iba. Hindi ko man napanood ang lahat ng ito, sa nakuha kong impormasyon, makikita kong wala namang talagang tunay na  gustong mailahad ang pelikula na makakapagbigay sa mga manonood ng bagong perspektibo sa kahit anumang bagay sa ating buhay. Siguro ang tanging gusto lamang ng mga manunulat at ng direktor ng mga pelikula ay magkapera, at sa temang ito’y makapag-akit sila ng mga manonood dahil sa kontrobersiya ng nasabing temang “kabit". Kasama rin dito siyempre ang mga bigating aktor at aktress na magbibida.

Ang problema ng mga bigating pelikula ngayon ay ang layunin ng mga gumagawa nito ay ang makapili ng artista, tema o lugar na sikat, na kung saan makagagarantiya na makapera sila. Hindi sila nagbibigay pansin sa mga manonood sa tunay na estado ng Pilipinas hinggil sa pulitika, ekonomiya o kahit na lamang sa siyensa. Bumibigay ito ng ilusyon na kung saan temporaryong makatakas ang mga manonood sa kanilang realidad. Hindi ko naman matutulan ang layuning ito. Ngunit, ang mabuti sana na imbes na gumastos ang pampelikulang industriya ng maraming pera para makakuha pa ng mas maraming pera, ay sana mabigyan nila ng liwanag ang mga utak ng mga manonood. Na sana makabigay ang isang pelikula ng bagong pananaw na; hindi sa pag-ibig (masyadong marami na), hindi sa pang araw-araw na kontrobersiya (na sa palagay ko hindi naman talaga nakakatulong) kundi sa realidad.

Katulad na lamang ng pelikulang Himala (1982), isang obra-maestrang na ang tema ay tungkol sa relihiyon. Ang bida dito ay si Nora Aunor na gumanap bilang Elsa, isang dalagang nakakakita ng aparisyon ng Birheng Maria. Dahil doon, nakagawa siya ng maraming mirakulo, na kung saan nagpapagaling siya ng maraming maysakit na tao. Pinagkakaguluhan siya, at parang sinamba bilang isang diyosa. Nagbigay ito sa mga manonood ng isang matinding repleksyon sa manonood kung ano nga ba ang relihiyon sa ating mga buhay. Ngunit hindi lamang ang mga salitang binitiwan ni Elsa sa bandang huli, kundi ang kabuuan ng pelikula ay nagbigay ng isang dramatikong sitwasyon na masyadong makapangyarihan na binura nito ang ordinaryong konsepto ng pelikula sa mga Pilipino.

Nakapanood din ako ng pelikulang "Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon" ni Eddie Romero noong hayskul. Kahit matagal ko nang di napanood ang pelikulang ito, buo pa rin ang aking emosyon ng pagkabighani hanggang ngayon sa kagandahan ng pelikula. Nagbigay ito sa akin ng bakas kung ano talaga ang pinagdaanan ng Pilipinas sa nagdaang higit sa isang daang taon, bagay na di ko lamang basta-basta makuha sa mga libro at aralin tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Namangha ako sa pelikula simula sa unang nitong bahagi, na kung saan pinakita (bilang mga litrato) ang kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng Kastila, hanggang sa huling eksena na sinabihan ni Kulas ang mga bata na silang lahat ay Pilipino. Nagmulat iyon sa aking puso na maramdaman din ang naramdaman ng mga bayani (siguro) noon. Iyon ang malaman na ang kalayaan ay isang bagay na maganda at makapangyarihan na sapat ito para ilaban at ibuwis ang buhay ng isang tao.

Hindi naman na tutol ako sa mga pelikula ngayon. Maganda naman mag-akting ang mga artista at gumaganda din ang mga pambiswal na aspekto ng ilang pelikulang Pilipino. Ngunit kailangan natin ng pelikulang pumupukaw ng ating kamalayan, katulad ng ginawa ng pelikulang Himala at ng Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon, para mabigyan ang bawat indibidwal na nakapanood nito ng pag-iisip at kamalayan hinggil sa mga importanteng aspektong umiiral sa ating bansa. 

Marami namang ginawang ibang pelikulang Pilipino, na sa palagay ko nagbigay din ng makabagong perspektibo sa mga manonood nito, katulad na lamang ng Caregiver(2008), Emir (2010) at Dekada 70 (2002). Hindi naman na sinasabi ko na panget ang mga pelikula ngayon.  Ang hangad ko lamang na sana mas bigyan ng halaga ng masang Pilipino at ng pampelikulang industriya ang mga pelikulang nagpapaalala sa atin sa ating kasaysayan, nagpapatunay na tayong lahat ay mga taong may sariling kultura at kalayaan at higit sa lahat nagpapahalaga na tayong lahat ay Pilipino.


1 comment:

  1. Tulad ng nabanggit ko sa una mong entry, marami pang di pagsunod dito sa ating "Checklist" sa http://nobelangatisan.blogspot.com/2012/06/checklist-bago-ipasa-ang-blog-entry.html lalo pa kaugnay ng pagbabaybay at wastong gamit ng salita. Bukod dito, sana'y naging mas tutok pa sa pagsusuri sa pelikulang Himala. Sana'y mas pinaglimian pa ang ibig mong sabihin sa huling pangungusap ng ikatlong talata, halimbawa. O sana'y nagtuon sa iba pang detalye mula sa pelikula bilang lunsaran ng kahulugan, bukod sa mga linyang popular na binitiwan ni Elsa.

    ReplyDelete