“Winter is coming”, 'yan ang mga salitang
nagrerepresenta sa dakilang pamilyang Stark sa serye ng libro ni George R. R.
Martin na tinatawag na “A Song of Ice and Fire”. Nang una kong nabasa ang mga
salitang ito ay nagmistulang isang nakakatakot na babala ito sa akin. Wala man
akong malay noong una kong mabasa ang mga salitang iyon, ang diwa naman nito’y
naramdaman ko sa tono at tema ng buong serye. Naging kakaiba at kontrobersyal ang seryeng ito sa akin dahil palaging mas nananaig ang kasamaan kaysa sa katarungan. Hindi
katulad ng ibang libro tungkol sa pantasya’t mahika sa literaturang Ingles, mas nakabibigay ito ng realistikong aspekto sa akin. Realistiko sa
pananaw na hindi lahat ng tao ay makatarungan, na hindi palagi ang kabutihan ay
nananaig at hindi lahat ay permanente.
Ang mga
librong ito ni Martin ay nasa mundong puno ng mahika ngunit ang mga tao mismo
ang pangunahing pinagmumulan ng krimen at karahasan. Ang pinagkakaiba nito
katulad na lamang sa mga nobela ni J. R. R. Tolkien (na sumulat ng The Hobbit at Lord
of the Rings), o ni C.S. Lewis (na sumulat ng Chronicles of Narnia); ay ang rasa
ng tao pa rin ang bida kahit mas imperpekto at mas mahina sila kaysa sa ibang
mga lahi katulad na lamang ng mga diwata, duwende, “elves”, at iba pa. Baka sa
panahon nga lamang iyan nina Tolkien at Lewis, na kung saan lugmok sa depresyon
at kahirapan ang mga tao dahil sa digmaan. Siguro parte ng pagsusulat nila’y makagagawa
ng isang alternatibong mundo, na kung saan makatakas ang isipan ng mga
mambabasa mula sa mundong realidad. Ang pantasya sa literaturang Ingles sa mga
panahong iyon ay talagang walang kinalaman sa estado ng mundo natin. Tao man
ang bida, iba naman ang kaugalian at ugali nila.
Mas gusto
ko man ang mga libro ni Tolkien, mas may epekto pa rin sa akin ang mga libro ni George R. R. Martin. Ang Westeros(isang bahagi ng mundong ginawa ni Martin sa
kaniyang mga libro, na kung saan dito halos nakabase ang buong kuwento) ay isa
sanang mundo ng isang “fairy tale”. Ngunit dahil sa masamang kalooban ng tao,
nawala na o unti-unting nawawala ang mga nilalang na punung-puno ng mahika at
ang tanging aspekto na lamang ng mahika doon ay ang matagalang taglamig at
siyempre ang mga nakakatakot na nilalang na dinadala nito.
Mas
maihahalintulad ko ito sa realidad, lalong lalo na dito sa Pilipinas. Palagi na
lamang may balita ng mga namamatay; sa aksidente, sa sakit at sa kusang
pagpapatay. Nasa mundo tayo na hindi lahat ng tao ay makatarungan at palagi
tayong umaasa ng masamang mangyayari kung hindi tayo magbabantay. Alam man
natin ang estado ng mundo ngayon, hindi pa rin natin masisigurado kung
ang mga masasamang nangyayari sa kasalukuyan ay mawawala , mananatili o
magiging marami pa sa hinaharap. Natatakot ako sa posibilidad na ang tadhana ko’y
magiging katulad din sa mga karakter ni Martin, na kung saan wala talaga silang
taong maasahan kahit pa ang pamilya nila. Subalit, ang mundo natin ay laganap din ang kasiyahan ngunit ang bagay na dapat bigyang pansin ay kung
paano natin malaman kung tayo’y linilinlang o minamahal. Paano natin mabigyan ng
patunay na ang isang tao ay talagang maasahan kung hindi naman natin malalaman
ang lahat ng kinikilos nito? Talaga bang sapat nang magtiwala sa kahit sinuman
o sa kahit anuman?
Hindi
natin matatakasan ang mga paparating na delubyo sa ating buhay. Masaya man tayo
ngayon, di natin makakaligtaan na ito’y temporaryo lamang at babalik na babalik
ang mga panahon ng agoniya, ng lungkot at ng takot. Hindi perpekto ang mundong
ito at pwedeng manaig ang kasamaan laban sa kabutihan.
Ang mundo natin ay mas
maraming magkaparehong aspekto sa pantasyang mundo ni George R. R. Martin
kaysa iba pang libro tungkol sa pantasya. Iyon siguro ang dahilan kung bakit
ang mga seryeng ito ay nagustuhan ng mambabasa’t kritiko. Makikita natin sa
kasaysayan ng ating mundo na parehong may panahon ng kapayapaan at digmaan.
At wala nang iba pang mga nilalang, kundi ang tao ang nagsisimula’t nagdudulot
ng mga masamang pangyayari.
Ang
importante lamang sana ay tayo'y maging isang taong mapagbantay, matalas ang
pag-iisip at malinis ang intensyon. Lugmok man ang mundo sa kasamaan, sana
hindi tayo maging parte ng kasamaang ito. Dapat maging tapat tayo sa ating mga
ginagawa at kung maapektuhan man tayo ng masasamang pangyayari, sana patuloy
na maging mabuting tao tayo.
- Stephen Albert D. Villena
Naibigan ko ang pagmumuni sa blog entry na ito, subalit may ilan pang di pagsunod sa ating "Checklist" sa http://nobelangatisan.blogspot.com/2012/06/checklist-bago-ipasa-ang-blog-entry.html, lalo pa kaugnay ng wastong baybay at paggamit ng salita. Binibigyan kita ng pagkakataong rebisahin ang blog entry na ito sang-ayon sa ating "Checklist." Kapag maayos na ang lahat, saka muling ipasa sa akin. Salamat!
ReplyDelete