Sunday, March 10, 2013

Sutmóndiláw


Sutmóndiláw
Pangngalan, [Sinaunang Tagalog]
-          Ritwal sa bata bago binyagan, hinuhugasan siya sa maligamgam na tubig, dinadala sa isang babaeng bagong panganak, at magkakaroon ng malaking handaan at inuman.

Nagbubukas ang salitang ito ng isang pananaw tungkol sa mga nagdaang kultura ng mga sinaunang tao sa Pilipinas. Dahil sa salitang ito, nalalaman natin ang pagpapahalaga nila sa bagong silang na bata, bilang isang paraan ng pagtanggap hindi lamang para sa pamilya, kundi para sa lipunan o komunidad (dahil sa handaan at inuman). Kung ikukumpara sa ibang mga importanteng pangyayari (katulad ng bertdey o kasal) parang maliit lamang ang pagkakaroon ng bagong silang na anak dahil ang pamilya lamang ang tanging naapektuhan dito. Kung ipagdiriwang man ang bagong silang, ito’y isa lamang pribadong pangyayari lamang sa pamilya at wala nang kinalaman pa ang lipunan o komunidad.

Ang sutmóndiláw ay isang ritwal, isang bagay na hindi na ginagawa ng maraming Pilipino, dahil siguro sa epekto ng modernisasyon sa ating bansa at sa impluwensiya ng ibang kultura (katulad ng Amerikano). Ngunit hindi naman natin masabi na isa itong kaugalian na walang impluwensiya ng Espanyol dahil may Kristyanismo dito na parte pa rin ang pagbibinyag sa pangyayaring ito.

Maraming pangyayari sa ating buhay ang binibigyan natin ng bonggang handaan dahil ito'y mahalaga para sa isang tao o mga tauhan. Naroon ang bertday, kasal at kahit nga ang lamay. Ngunit ang ang pagkakaroon ng bagong silang pala ay isang bagay na binigyan din ng halaga sa pamamaraan ng handaan at inuman, noong unang panahon ng mga Pilipino. Hindi ko man alam kung bakit ito’y nawalay na sa kasalukuyang kultura ng mga Pilipino, pero sa pamamagitan lamang ng salitang "sutmóndiláw", nalalaman na natin na may kultura tayong kinaligtaan at kinalimutan

Kinalimutan na natin ang isang kulturang nagbibigay-pansin sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao, ang simula ng pagkakaroon ng buhay.

Friday, February 22, 2013

Isang Kulturang Walang Bahid ng Koloniyalismo


Ang “Labaw Donggon” ay isang parte lamang ng mahabang epiko na ang pangalan ay “Hinilawod”. Ang epikong ito ay nagmula sa isla ng Panay sa rehiyon ng Visayas. Katulad ng mga epiko sa ibang bansa, ito ay ipinapasa sa nakababatang henerasyon sa pamamagitan lamang ng pasalita (orally). Ito raw ay humigit-kumulang sa 28,000 na berso at kung kinakanta o binibigkas nang patuloy, aabot pa ito sa tatlong araw.
                Nagmula ang “Hinilawod” na epiko sa mga tauhan ng Sulod sa Panay. Mahabang kuwento ito tungkol sa pakikipagsapalaran ng magkakapatid na sina Labaw Donggon, Humadapnon at Dumalapdap sa kani-kanilang buhay. Sila ay bunga ng pagmamahalan ng isang diwata na si Alunsina at isang mortal na si Datu Paubari. Katulad ng ibang epiko, ang mga tauhan dito ay may mga mala-Diyos na kapangyarihan at maraming eksena na may kadugtong na pantasya o mahika.  Isang halimbawa dito ang agad-agad na paglaki nina Humadapnon, Labaw Donggon at Dumalapdap mula sa pagiging mga sanggol nang may dumaan na hangin.
May tema at konsepto rin ito na naiiba sa ating sariling konsepto ng makatarungan at mabuti. Katulad na lamang ng pagnanais ni Labaw na makuha si Sinagmaling Diwata bilang pangatlong asawa kahit na may bána na si Sinagmaling Diwata, at nandiyan pa rin ang suporta na nagmumula sa kaniyang dalawang asawa at nanay. Dito ko nalaman na hindi naapektuhan ang epikong ito ng koloniyalismo. Wala ang Kristiyanismo dito. Wala kahit ang paniniwala sa iisang diyos.
Kasama rin sa kultura ng mga Suludnon ay ang mga binukot. ‘Di ko alam ngayon, pero noon (mga 1990s at 2000s), may mga binukot pa. Sila ay mga babae na siyang kumakanta ng mga epiko. Dahil sa kanila, na preserba ang mga ginawa ng mga ninuno ng mga Suludnon. Ang binukot ay salitang Hiligaynon na ang depinisyon sa Tagalog ay “tinago”. Pinipili ang mga binukot sa kanilang kagandahan. Hindi sila pinapainitan o pinapalaro. Iyon ang rason kung bakit malambot pa rin ang kanilang mga balat kahit sila’y matanda na. Tinatago sila mula sa mga tao at tanging pamilya lamang nila ang makakita sa kanila hanggang sila ay magpakasal. Nagkakaroon ng subasta sa mga nagnanais na magpapakasal sa isang binukot. Ngunit, ang binukot ay isang kultura na unti-unti nang nawawala. Ang mga binukot na kinilala noong 1990s at 2000s ay mga matatanda na, at ayaw na ng mga anak nila na pumalit sa kanila.
Katulad ng mga Igorot at Manobo, ang kultura ng mga Suludnon ay di masiyadong naapektuhan ng pananakop dahil siguro sa kanilang lugar na kabundukan, na mahirap abutin ng mga dayuhan.  Ano man ang sinasabi ng marami na ang grupo nila’y primitibo, sila ay nagpapakita pa rin ng isang kulturang buong buo na Pilipino. Ang mga epiko at ang mga binukot ay iilan lamang sa kulturang nanaig sa Pilipinas kahit na may koloniyalismo. Dapat natin itong tangkilikin hindi lamang na tayo’y Pilipino kundi sa kagandahan at kaibahan ng kulturang ito na walang bahid ng koloniyalismo. At kung sakali hindi tayo nasakop na anumang banyagang bansa, ang kulturang ito siguro ang nanaig sa buong Pilipinas.

Friday, February 15, 2013

Ang siyudad bilang tagpuan ng katatakutan


Ginamit ang Cubao bilang isang lugar ng karahasan at katatakutan ni Tony Perez. Bilang isang probinsiyano, kahit walang kuwento ng multo o aswang sa siyudad, ito ay isang lugar na puwedeng ugatan din ng katatakutan ko. Dahil sa mga balita mula sa telebisyon at pahayagan, nalaman ko noon kung ano ka tindi ang krimen at karahasan sa siyudad. At ang Cubao, bilang lugar na nakasentro ang komersiyo, ay isang tagpuan na perpekto para sa krimen at karahasan.
Dahil nga na laking -probinsiya ako, noong una akong makapunta sa Metro Manila, ako’y nabaguhan sa mga nagtataasang mga gusali at iba’t ibang pasiyalan. Nawala na sa isip ko noon ang mga nabalitaan ko tungkol sa krimen sa siyudad. Nabibighani na lamang ako sa laki nito. Pero ngayon, parang wala na lang sa akin ang mga ito, ang lahat ng iyon ay normal na lamang sa akin. Akalain niyo, nabibighani na nga ako noon sa tatlong palapag na Robinson’s mall sa Bacolod (na nasa Negros Occidental). Isa sa mga palagi kong pinapasiyalan ay ang Cubao.
Ilang beses na akong nakapunta sa Cubao. Malapit lang kasi sa Katipunan, at maraming lugar na puwedeng pasiyalan. Paminsan-minsan, gabi na ako umuuwi mula doon. Marami namang mga tao at mukhang wala namang kababalaghang nangyayari doon. Hindi ako naniniwala sa mga multo ngunit mula sa nabasa kong mga kuwento ni Tony Perez, may nararamdaman akong kaunting takot kapag pumupunta hindi lamang sa Cubao, pero sa ibang lugar din sa Metro Manila. Parte ng sarili ko ang natatakot dahil sa mga balita tungkol sa siyudad, ngunit parte din ng sarili ko ang naniniwala na may ibang bagay pa ang nangyayari na puwede ring katakutan. Iyon ang takot sa kawalan ng kasama o ang pagiging mapag-isa.
Kapag pumupunta ako sa Cubao, palaging mag-isa lang ako. Minsan kasama ko ang isang kaibigan o grupo, pero palaging ako lamang mag-isa. Masaya man minsan dahil ako’y malaya, mediyo may nararamdaman pa rin na kakaiba. May nararamdaman ako na pagkakulang. Kahit nasa lugar ako na punong puno ng tao, ako ay nagnanais na may kasama na kakilala para matuwa naman ako sa pamamasiyal. Siguro nga dahil sa dami ng taong nasa paligid ko, mas nararamdaman ko ang matinding intensidad ng pagiging mapag-isa. Minsan habang namamasyal ako, ay natanto na parang hindi lang ako ang mag-isang namamasyal. Kahit saang pasiyalan ako mapadpad, talagang may taong mag-isa ding namamasyal. May nararamdaman akong alienation.
Ang Cubao bilang sentro ng komersiyo, na tagpuan ng kuwento at ang aspektong ‘alienation’ ng mga taong nagmula sa siyudad ay nakatutulong ng lubos sa paghila sa mga mambabasa sa punto ng katatakutan. Ang paggamit ni Tony Perez ng Cubao bilang lugar ng kamatayan, multo at kung ano-ano pang kababalaghan ay akma sa ating sariling persepyon kung ano ang “takot”. Dahil sa karamihan ng tao at kaguluhan ng siyudad, ma
Sa kuwento niyang Cubao 1980, kahit nakasentro ang Cubao sa pagpapaggamit ni Tom ng kanyang katawan sa iba’t ibang lalaki. Ito’y naging mahalaga dinsa dislokasyon ni Tom sa tunay niyang sarili. Naramdaman niya ang tindi ng pagkaka-alienate niya mula sa dami ng taong nakapaligid sa kaniya. At sa huli, naging saksi siya sa pagpapatay sa kaibigan niyang si Butch.
Isang maikling kuwento naman ni Tony Perez na “Ang Traysikel”, ay nagsasalamin din sa perspektibo ng karamihan kung ano ang “takot”. Ang multo ang mismong ginamit ni Perez bilang kasangkapan sa paggawa ng krimen. Sinabi nga ni Lauro(ang multong traysikel drayber) sa kuwento na “Hanggat hindi nawawala ang pang-aapi sa mundo, hindi rin nawawala ang multo”.
Ang takot ay isang bagay na sikolohikal lamang. Nagmula lamang ito sa ating pag-iisip, pero ang resulta ng matinding takot ay minsan nakamamatay. Bilang isang maliit na tao sa isang malaking mundo, marami tayong bagay na hindi makokontrol. Dito umuugat ang takot dahil sa kawalan ng alam kung ano ang mangyayari sa atin. Importante lamang siguro na tayo’y maging mapagbantay pero huwag mabahala nang masiyado kung wala namang talagang seryosong nangyayari. At sana mahanap na atin ang ating totoong sarilii sa mga bagay na mahal natin na kahit nasa mundo tayo kung saan minsan ang takot ay nananaig.

Friday, January 25, 2013

Pelikulang Namumukaw-Kamalayan > Pelikulang Kontrobersyal at Box-Office Hit



Ang isa sa mga patok na pelikulang Pilipino sa panahon ngayon ay tungkol sa pag-iibigan. Makikita natin sa mga bagong pelikula ang tema ng kabit na sinimulan ng No Other Woman ng Star Cinema, na sinundan na ng The Mistress at marami nang iba. Hindi ko man napanood ang lahat ng ito, sa nakuha kong impormasyon, makikita kong wala namang talagang tunay na  gustong mailahad ang pelikula na makakapagbigay sa mga manonood ng bagong perspektibo sa kahit anumang bagay sa ating buhay. Siguro ang tanging gusto lamang ng mga manunulat at ng direktor ng mga pelikula ay magkapera, at sa temang ito’y makapag-akit sila ng mga manonood dahil sa kontrobersiya ng nasabing temang “kabit". Kasama rin dito siyempre ang mga bigating aktor at aktress na magbibida.

Ang problema ng mga bigating pelikula ngayon ay ang layunin ng mga gumagawa nito ay ang makapili ng artista, tema o lugar na sikat, na kung saan makagagarantiya na makapera sila. Hindi sila nagbibigay pansin sa mga manonood sa tunay na estado ng Pilipinas hinggil sa pulitika, ekonomiya o kahit na lamang sa siyensa. Bumibigay ito ng ilusyon na kung saan temporaryong makatakas ang mga manonood sa kanilang realidad. Hindi ko naman matutulan ang layuning ito. Ngunit, ang mabuti sana na imbes na gumastos ang pampelikulang industriya ng maraming pera para makakuha pa ng mas maraming pera, ay sana mabigyan nila ng liwanag ang mga utak ng mga manonood. Na sana makabigay ang isang pelikula ng bagong pananaw na; hindi sa pag-ibig (masyadong marami na), hindi sa pang araw-araw na kontrobersiya (na sa palagay ko hindi naman talaga nakakatulong) kundi sa realidad.

Katulad na lamang ng pelikulang Himala (1982), isang obra-maestrang na ang tema ay tungkol sa relihiyon. Ang bida dito ay si Nora Aunor na gumanap bilang Elsa, isang dalagang nakakakita ng aparisyon ng Birheng Maria. Dahil doon, nakagawa siya ng maraming mirakulo, na kung saan nagpapagaling siya ng maraming maysakit na tao. Pinagkakaguluhan siya, at parang sinamba bilang isang diyosa. Nagbigay ito sa mga manonood ng isang matinding repleksyon sa manonood kung ano nga ba ang relihiyon sa ating mga buhay. Ngunit hindi lamang ang mga salitang binitiwan ni Elsa sa bandang huli, kundi ang kabuuan ng pelikula ay nagbigay ng isang dramatikong sitwasyon na masyadong makapangyarihan na binura nito ang ordinaryong konsepto ng pelikula sa mga Pilipino.

Nakapanood din ako ng pelikulang "Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon" ni Eddie Romero noong hayskul. Kahit matagal ko nang di napanood ang pelikulang ito, buo pa rin ang aking emosyon ng pagkabighani hanggang ngayon sa kagandahan ng pelikula. Nagbigay ito sa akin ng bakas kung ano talaga ang pinagdaanan ng Pilipinas sa nagdaang higit sa isang daang taon, bagay na di ko lamang basta-basta makuha sa mga libro at aralin tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Namangha ako sa pelikula simula sa unang nitong bahagi, na kung saan pinakita (bilang mga litrato) ang kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng Kastila, hanggang sa huling eksena na sinabihan ni Kulas ang mga bata na silang lahat ay Pilipino. Nagmulat iyon sa aking puso na maramdaman din ang naramdaman ng mga bayani (siguro) noon. Iyon ang malaman na ang kalayaan ay isang bagay na maganda at makapangyarihan na sapat ito para ilaban at ibuwis ang buhay ng isang tao.

Hindi naman na tutol ako sa mga pelikula ngayon. Maganda naman mag-akting ang mga artista at gumaganda din ang mga pambiswal na aspekto ng ilang pelikulang Pilipino. Ngunit kailangan natin ng pelikulang pumupukaw ng ating kamalayan, katulad ng ginawa ng pelikulang Himala at ng Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon, para mabigyan ang bawat indibidwal na nakapanood nito ng pag-iisip at kamalayan hinggil sa mga importanteng aspektong umiiral sa ating bansa. 

Marami namang ginawang ibang pelikulang Pilipino, na sa palagay ko nagbigay din ng makabagong perspektibo sa mga manonood nito, katulad na lamang ng Caregiver(2008), Emir (2010) at Dekada 70 (2002). Hindi naman na sinasabi ko na panget ang mga pelikula ngayon.  Ang hangad ko lamang na sana mas bigyan ng halaga ng masang Pilipino at ng pampelikulang industriya ang mga pelikulang nagpapaalala sa atin sa ating kasaysayan, nagpapatunay na tayong lahat ay mga taong may sariling kultura at kalayaan at higit sa lahat nagpapahalaga na tayong lahat ay Pilipino.


Wednesday, January 9, 2013

Laging Nakaabang ang Masama


“Winter is coming”, 'yan ang mga salitang nagrerepresenta sa dakilang pamilyang Stark sa serye ng libro ni George R. R. Martin na tinatawag na “A Song of Ice and Fire”. Nang una kong nabasa ang mga salitang ito ay nagmistulang isang nakakatakot na babala ito sa akin. Wala man akong malay noong una kong mabasa ang mga salitang iyon, ang diwa naman nito’y naramdaman ko sa tono at tema ng buong serye. Naging kakaiba at kontrobersyal ang seryeng ito sa akin dahil palaging mas nananaig ang kasamaan kaysa sa katarungan. Hindi katulad ng ibang libro tungkol sa pantasya’t mahika sa literaturang Ingles, mas nakabibigay ito ng realistikong aspekto sa akin. Realistiko sa pananaw na hindi lahat ng tao ay makatarungan, na hindi palagi ang kabutihan ay nananaig at hindi lahat ay permanente.

Ang mga librong ito ni Martin ay nasa mundong puno ng mahika ngunit ang mga tao mismo ang pangunahing pinagmumulan ng krimen at karahasan. Ang pinagkakaiba nito katulad na lamang sa mga nobela ni J. R. R. Tolkien (na sumulat ng The Hobbit at Lord of the Rings), o ni C.S. Lewis (na sumulat ng Chronicles of Narnia); ay ang rasa ng tao pa rin ang bida kahit mas imperpekto at mas mahina sila kaysa sa ibang mga lahi katulad na lamang ng mga diwata, duwende, “elves”, at iba pa. Baka sa panahon nga lamang iyan nina Tolkien at Lewis, na kung saan lugmok sa depresyon at kahirapan ang mga tao dahil sa digmaan. Siguro parte ng pagsusulat nila’y makagagawa ng isang alternatibong mundo, na kung saan makatakas ang isipan ng mga mambabasa mula sa mundong realidad. Ang pantasya sa literaturang Ingles sa mga panahong iyon ay talagang walang kinalaman sa estado ng mundo natin. Tao man ang bida, iba naman ang kaugalian at ugali nila.

Mas gusto ko man ang mga libro ni Tolkien, mas may epekto pa rin sa akin ang mga libro ni George R. R. Martin. Ang Westeros(isang bahagi ng mundong ginawa ni Martin sa kaniyang mga libro, na kung saan dito halos nakabase ang buong kuwento) ay isa sanang mundo ng isang “fairy tale”. Ngunit dahil sa masamang kalooban ng tao, nawala na o unti-unting nawawala ang mga nilalang na punung-puno ng mahika at ang tanging aspekto na lamang ng mahika doon ay ang matagalang taglamig at siyempre ang mga nakakatakot na nilalang na dinadala nito.

Mas maihahalintulad ko ito sa realidad, lalong lalo na dito sa Pilipinas. Palagi na lamang may balita ng mga namamatay; sa aksidente, sa sakit at sa kusang pagpapatay. Nasa mundo tayo na hindi lahat ng tao ay makatarungan at palagi tayong umaasa ng masamang mangyayari kung hindi tayo magbabantay. Alam man natin ang estado ng mundo ngayon, hindi pa rin natin masisigurado kung ang mga masasamang nangyayari sa kasalukuyan ay mawawala , mananatili o magiging marami pa sa hinaharap. Natatakot ako sa posibilidad na ang tadhana ko’y magiging katulad din sa mga karakter ni Martin, na kung saan wala talaga silang taong maasahan kahit pa ang pamilya nila. Subalit, ang mundo natin ay laganap din ang kasiyahan ngunit ang bagay na dapat bigyang pansin ay kung paano natin malaman kung tayo’y linilinlang o minamahal. Paano natin mabigyan ng patunay na ang isang tao ay talagang maasahan kung hindi naman natin malalaman ang lahat ng kinikilos nito? Talaga bang sapat nang magtiwala sa kahit sinuman o sa kahit anuman?

Hindi natin matatakasan ang mga paparating na delubyo sa ating buhay. Masaya man tayo ngayon, di natin makakaligtaan na ito’y temporaryo lamang at babalik na babalik ang mga panahon ng agoniya, ng lungkot at ng takot. Hindi perpekto ang mundong ito at pwedeng manaig ang kasamaan laban sa kabutihan.

Ang mundo natin ay mas maraming magkaparehong aspekto sa pantasyang mundo ni George R. R. Martin kaysa iba pang libro tungkol sa pantasya. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ang mga seryeng ito ay nagustuhan ng mambabasa’t kritiko. Makikita natin sa kasaysayan ng ating mundo na parehong may panahon ng kapayapaan at digmaan. At wala nang iba pang mga nilalang, kundi ang tao ang nagsisimula’t nagdudulot ng mga masamang pangyayari.

Ang importante lamang sana ay tayo'y maging isang taong mapagbantay, matalas ang pag-iisip at malinis ang intensyon. Lugmok man ang mundo sa kasamaan, sana hindi tayo maging parte ng kasamaang ito. Dapat maging tapat tayo sa ating mga ginagawa at kung maapektuhan man tayo ng masasamang pangyayari, sana patuloy na maging mabuting tao tayo.
                                                  
                                                                         

- Stephen Albert D. Villena