Ang “Labaw Donggon” ay isang parte lamang ng mahabang epiko
na ang pangalan ay “Hinilawod”. Ang epikong ito ay nagmula sa isla ng Panay sa
rehiyon ng Visayas. Katulad ng mga epiko sa ibang bansa, ito ay ipinapasa sa
nakababatang henerasyon sa pamamagitan lamang ng pasalita (orally). Ito raw ay humigit-kumulang sa 28,000 na berso at kung kinakanta
o binibigkas nang patuloy, aabot pa ito sa tatlong araw.
Nagmula
ang “Hinilawod” na epiko sa mga tauhan ng Sulod sa Panay. Mahabang kuwento ito
tungkol sa pakikipagsapalaran ng magkakapatid na sina Labaw Donggon, Humadapnon
at Dumalapdap sa kani-kanilang buhay.
Sila ay bunga ng pagmamahalan ng isang diwata na si Alunsina at isang mortal na si Datu
Paubari. Katulad ng ibang epiko, ang mga tauhan dito ay may mga mala-Diyos
na kapangyarihan at maraming eksena na may kadugtong na pantasya o mahika. Isang halimbawa dito ang agad-agad na paglaki nina
Humadapnon, Labaw Donggon at Dumalapdap mula sa pagiging mga sanggol
nang may dumaan na hangin.
May tema at konsepto rin ito na naiiba
sa ating sariling konsepto ng makatarungan at mabuti. Katulad na lamang ng
pagnanais ni Labaw na makuha si Sinagmaling Diwata bilang pangatlong asawa kahit
na may bána na si Sinagmaling Diwata, at nandiyan pa rin ang suporta na
nagmumula sa kaniyang dalawang asawa at nanay. Dito ko nalaman na hindi
naapektuhan ang epikong ito ng koloniyalismo. Wala ang Kristiyanismo dito. Wala
kahit ang paniniwala sa iisang diyos.
Kasama rin sa kultura ng mga
Suludnon ay ang mga binukot. ‘Di ko
alam ngayon, pero noon (mga 1990s at 2000s), may mga binukot pa. Sila ay mga babae na siyang kumakanta ng mga epiko.
Dahil sa kanila, na preserba ang mga ginawa ng mga ninuno ng mga Suludnon. Ang binukot ay salitang Hiligaynon na ang
depinisyon sa Tagalog ay “tinago”. Pinipili ang mga binukot sa kanilang kagandahan. Hindi sila pinapainitan o
pinapalaro. Iyon ang rason kung bakit malambot pa rin ang kanilang mga balat
kahit sila’y matanda na. Tinatago sila mula sa mga tao at tanging pamilya
lamang nila ang makakita sa kanila hanggang sila ay magpakasal. Nagkakaroon ng
subasta sa mga nagnanais na magpapakasal sa isang binukot. Ngunit, ang binukot ay isang kultura na unti-unti
nang nawawala. Ang mga binukot na kinilala noong 1990s at 2000s ay mga matatanda
na, at ayaw na ng mga anak nila na pumalit sa kanila.
Katulad ng mga Igorot at Manobo, ang
kultura ng mga Suludnon ay di masiyadong naapektuhan ng pananakop dahil siguro
sa kanilang lugar na kabundukan, na mahirap abutin ng mga dayuhan. Ano man ang sinasabi ng marami na ang grupo nila’y
primitibo, sila ay nagpapakita pa rin ng isang kulturang buong buo na Pilipino.
Ang mga epiko at ang mga binukot ay iilan
lamang sa kulturang nanaig sa Pilipinas kahit na may koloniyalismo. Dapat natin
itong tangkilikin hindi lamang na tayo’y Pilipino kundi sa kagandahan at
kaibahan ng kulturang ito na walang bahid ng koloniyalismo. At kung sakali
hindi tayo nasakop na anumang banyagang bansa, ang kulturang ito siguro ang nanaig
sa buong Pilipinas.