Friday, January 25, 2013

Pelikulang Namumukaw-Kamalayan > Pelikulang Kontrobersyal at Box-Office Hit



Ang isa sa mga patok na pelikulang Pilipino sa panahon ngayon ay tungkol sa pag-iibigan. Makikita natin sa mga bagong pelikula ang tema ng kabit na sinimulan ng No Other Woman ng Star Cinema, na sinundan na ng The Mistress at marami nang iba. Hindi ko man napanood ang lahat ng ito, sa nakuha kong impormasyon, makikita kong wala namang talagang tunay na  gustong mailahad ang pelikula na makakapagbigay sa mga manonood ng bagong perspektibo sa kahit anumang bagay sa ating buhay. Siguro ang tanging gusto lamang ng mga manunulat at ng direktor ng mga pelikula ay magkapera, at sa temang ito’y makapag-akit sila ng mga manonood dahil sa kontrobersiya ng nasabing temang “kabit". Kasama rin dito siyempre ang mga bigating aktor at aktress na magbibida.

Ang problema ng mga bigating pelikula ngayon ay ang layunin ng mga gumagawa nito ay ang makapili ng artista, tema o lugar na sikat, na kung saan makagagarantiya na makapera sila. Hindi sila nagbibigay pansin sa mga manonood sa tunay na estado ng Pilipinas hinggil sa pulitika, ekonomiya o kahit na lamang sa siyensa. Bumibigay ito ng ilusyon na kung saan temporaryong makatakas ang mga manonood sa kanilang realidad. Hindi ko naman matutulan ang layuning ito. Ngunit, ang mabuti sana na imbes na gumastos ang pampelikulang industriya ng maraming pera para makakuha pa ng mas maraming pera, ay sana mabigyan nila ng liwanag ang mga utak ng mga manonood. Na sana makabigay ang isang pelikula ng bagong pananaw na; hindi sa pag-ibig (masyadong marami na), hindi sa pang araw-araw na kontrobersiya (na sa palagay ko hindi naman talaga nakakatulong) kundi sa realidad.

Katulad na lamang ng pelikulang Himala (1982), isang obra-maestrang na ang tema ay tungkol sa relihiyon. Ang bida dito ay si Nora Aunor na gumanap bilang Elsa, isang dalagang nakakakita ng aparisyon ng Birheng Maria. Dahil doon, nakagawa siya ng maraming mirakulo, na kung saan nagpapagaling siya ng maraming maysakit na tao. Pinagkakaguluhan siya, at parang sinamba bilang isang diyosa. Nagbigay ito sa mga manonood ng isang matinding repleksyon sa manonood kung ano nga ba ang relihiyon sa ating mga buhay. Ngunit hindi lamang ang mga salitang binitiwan ni Elsa sa bandang huli, kundi ang kabuuan ng pelikula ay nagbigay ng isang dramatikong sitwasyon na masyadong makapangyarihan na binura nito ang ordinaryong konsepto ng pelikula sa mga Pilipino.

Nakapanood din ako ng pelikulang "Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon" ni Eddie Romero noong hayskul. Kahit matagal ko nang di napanood ang pelikulang ito, buo pa rin ang aking emosyon ng pagkabighani hanggang ngayon sa kagandahan ng pelikula. Nagbigay ito sa akin ng bakas kung ano talaga ang pinagdaanan ng Pilipinas sa nagdaang higit sa isang daang taon, bagay na di ko lamang basta-basta makuha sa mga libro at aralin tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Namangha ako sa pelikula simula sa unang nitong bahagi, na kung saan pinakita (bilang mga litrato) ang kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng Kastila, hanggang sa huling eksena na sinabihan ni Kulas ang mga bata na silang lahat ay Pilipino. Nagmulat iyon sa aking puso na maramdaman din ang naramdaman ng mga bayani (siguro) noon. Iyon ang malaman na ang kalayaan ay isang bagay na maganda at makapangyarihan na sapat ito para ilaban at ibuwis ang buhay ng isang tao.

Hindi naman na tutol ako sa mga pelikula ngayon. Maganda naman mag-akting ang mga artista at gumaganda din ang mga pambiswal na aspekto ng ilang pelikulang Pilipino. Ngunit kailangan natin ng pelikulang pumupukaw ng ating kamalayan, katulad ng ginawa ng pelikulang Himala at ng Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon, para mabigyan ang bawat indibidwal na nakapanood nito ng pag-iisip at kamalayan hinggil sa mga importanteng aspektong umiiral sa ating bansa. 

Marami namang ginawang ibang pelikulang Pilipino, na sa palagay ko nagbigay din ng makabagong perspektibo sa mga manonood nito, katulad na lamang ng Caregiver(2008), Emir (2010) at Dekada 70 (2002). Hindi naman na sinasabi ko na panget ang mga pelikula ngayon.  Ang hangad ko lamang na sana mas bigyan ng halaga ng masang Pilipino at ng pampelikulang industriya ang mga pelikulang nagpapaalala sa atin sa ating kasaysayan, nagpapatunay na tayong lahat ay mga taong may sariling kultura at kalayaan at higit sa lahat nagpapahalaga na tayong lahat ay Pilipino.


Wednesday, January 9, 2013

Laging Nakaabang ang Masama


“Winter is coming”, 'yan ang mga salitang nagrerepresenta sa dakilang pamilyang Stark sa serye ng libro ni George R. R. Martin na tinatawag na “A Song of Ice and Fire”. Nang una kong nabasa ang mga salitang ito ay nagmistulang isang nakakatakot na babala ito sa akin. Wala man akong malay noong una kong mabasa ang mga salitang iyon, ang diwa naman nito’y naramdaman ko sa tono at tema ng buong serye. Naging kakaiba at kontrobersyal ang seryeng ito sa akin dahil palaging mas nananaig ang kasamaan kaysa sa katarungan. Hindi katulad ng ibang libro tungkol sa pantasya’t mahika sa literaturang Ingles, mas nakabibigay ito ng realistikong aspekto sa akin. Realistiko sa pananaw na hindi lahat ng tao ay makatarungan, na hindi palagi ang kabutihan ay nananaig at hindi lahat ay permanente.

Ang mga librong ito ni Martin ay nasa mundong puno ng mahika ngunit ang mga tao mismo ang pangunahing pinagmumulan ng krimen at karahasan. Ang pinagkakaiba nito katulad na lamang sa mga nobela ni J. R. R. Tolkien (na sumulat ng The Hobbit at Lord of the Rings), o ni C.S. Lewis (na sumulat ng Chronicles of Narnia); ay ang rasa ng tao pa rin ang bida kahit mas imperpekto at mas mahina sila kaysa sa ibang mga lahi katulad na lamang ng mga diwata, duwende, “elves”, at iba pa. Baka sa panahon nga lamang iyan nina Tolkien at Lewis, na kung saan lugmok sa depresyon at kahirapan ang mga tao dahil sa digmaan. Siguro parte ng pagsusulat nila’y makagagawa ng isang alternatibong mundo, na kung saan makatakas ang isipan ng mga mambabasa mula sa mundong realidad. Ang pantasya sa literaturang Ingles sa mga panahong iyon ay talagang walang kinalaman sa estado ng mundo natin. Tao man ang bida, iba naman ang kaugalian at ugali nila.

Mas gusto ko man ang mga libro ni Tolkien, mas may epekto pa rin sa akin ang mga libro ni George R. R. Martin. Ang Westeros(isang bahagi ng mundong ginawa ni Martin sa kaniyang mga libro, na kung saan dito halos nakabase ang buong kuwento) ay isa sanang mundo ng isang “fairy tale”. Ngunit dahil sa masamang kalooban ng tao, nawala na o unti-unting nawawala ang mga nilalang na punung-puno ng mahika at ang tanging aspekto na lamang ng mahika doon ay ang matagalang taglamig at siyempre ang mga nakakatakot na nilalang na dinadala nito.

Mas maihahalintulad ko ito sa realidad, lalong lalo na dito sa Pilipinas. Palagi na lamang may balita ng mga namamatay; sa aksidente, sa sakit at sa kusang pagpapatay. Nasa mundo tayo na hindi lahat ng tao ay makatarungan at palagi tayong umaasa ng masamang mangyayari kung hindi tayo magbabantay. Alam man natin ang estado ng mundo ngayon, hindi pa rin natin masisigurado kung ang mga masasamang nangyayari sa kasalukuyan ay mawawala , mananatili o magiging marami pa sa hinaharap. Natatakot ako sa posibilidad na ang tadhana ko’y magiging katulad din sa mga karakter ni Martin, na kung saan wala talaga silang taong maasahan kahit pa ang pamilya nila. Subalit, ang mundo natin ay laganap din ang kasiyahan ngunit ang bagay na dapat bigyang pansin ay kung paano natin malaman kung tayo’y linilinlang o minamahal. Paano natin mabigyan ng patunay na ang isang tao ay talagang maasahan kung hindi naman natin malalaman ang lahat ng kinikilos nito? Talaga bang sapat nang magtiwala sa kahit sinuman o sa kahit anuman?

Hindi natin matatakasan ang mga paparating na delubyo sa ating buhay. Masaya man tayo ngayon, di natin makakaligtaan na ito’y temporaryo lamang at babalik na babalik ang mga panahon ng agoniya, ng lungkot at ng takot. Hindi perpekto ang mundong ito at pwedeng manaig ang kasamaan laban sa kabutihan.

Ang mundo natin ay mas maraming magkaparehong aspekto sa pantasyang mundo ni George R. R. Martin kaysa iba pang libro tungkol sa pantasya. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ang mga seryeng ito ay nagustuhan ng mambabasa’t kritiko. Makikita natin sa kasaysayan ng ating mundo na parehong may panahon ng kapayapaan at digmaan. At wala nang iba pang mga nilalang, kundi ang tao ang nagsisimula’t nagdudulot ng mga masamang pangyayari.

Ang importante lamang sana ay tayo'y maging isang taong mapagbantay, matalas ang pag-iisip at malinis ang intensyon. Lugmok man ang mundo sa kasamaan, sana hindi tayo maging parte ng kasamaang ito. Dapat maging tapat tayo sa ating mga ginagawa at kung maapektuhan man tayo ng masasamang pangyayari, sana patuloy na maging mabuting tao tayo.
                                                  
                                                                         

- Stephen Albert D. Villena